Si Dodong, Si Super M at ang mga Kawatan

​Tuwing hapon, matapos gawin ang kanyang mga homework, ay bubuksan agad ni Dodong ang TV upang maabutan ang kanyang paboritong palabas na Heroes Land. Bukod sa makulay na mga kasuotan ng mga karakter dito ay lalong inaabangan ng sampung taong gulang na bata ang bida na si Super M. Madalas niyang sabayan ang tauhan kapag sumigaw na ito ng  

“Tagapagtanggol ng Bayan, Tagapagligtas ng mga Inaapi, Super M!”

Talagang bidang-bida si Super M kay Dodong. Madalas niyang ikuwento sa kanyang mga kaibigan at kaklase kung paano muling niligtas ni Super M ang bayan ng Perlas mula sa mga masasamang-loob. Nangingiti na lang si Aling Clara kapag nagsimula nang magkwento ang kanyang anak tungkol sa mga pakikipagsapalaran ni Super M at ng mga kasama ng  bayani.

Kumpleto rin sa mga komiks tungkol kay Super M si Dodong. Linggo-linggo siyang nagpapabili sa tatay niya ng mga babasahing ito na kinalulugdan naman nila dahil masayang-masaya ang kanilang nag-iisang anak sa simpleng hiling.

“Tay, kapag gumaling na po ang paa ko magiging katulad ako ni Super M. Natatalo niya ang mga kalaban,” sabi ni Dodong. 

“Talagang pangarap mo bang maging tulad ni Super M, anak?” tanong ni Mang Fernan.

” Opo, ipagtatanggol ko ang ating bayan. Lalabanan ko ang sinomang manakit sa inyo ni Nanay,”sagot ng batang may polio.

“Kaya nga kailangan ay kumakain ka ng gulay at prutas para maging singlakas ka niya,” sabi pa ng tatay.

Naging masakit para sa mag-asawang tanggapin ang naging kapalaran ng kanilang anak dahil sa kapabayaan ng dating nag-aalaga rito. Simula noon ay tumigil sa pagtatrabaho si Aling Clara para mabantayan ang kanyang anak. Minsan ay naaawa na sila sa bata dahil kahit nahihirapang lumakad ay masipag pa rin siyang pumasok sa paaralan. Isang araw nga ay umuwi itong marumi ang uniporme. Nakipaghabulan daw kasi siya sa mga kaklaseng nang-iinis sa kanya.

“Super M, baka kamo Super P ka, Dodong. Super Polio!” sabay tawanan nang malakas ng mga alaskador niyang kaklase. Dahil dito ay pinilit niyang tumayo at sinubukang habulin ang nang-aasar sa kanya kahit pa madapa siya.

“Anak, kung malalaman ba ni Super M yung ginawa mo, matutuwa kaya siya?” tanong ni Aling Clara. “Sa palagay mo ba ay gawain ng tagapagtanggol ang ginawa mo?”

Hindi sumasagot si Dodong. Napayuko na lang siya at mayamaya ay tumulo ang luha at nagsalita, “Kailan po ba kasi ako gagaling , Nay? Paano po magiging pantay ang mga binti ko? May gamot po bang kailangang bilhin para rito sa sakit ko?” sunod-sunod na tanong ni Dodong. Dahil hindi agad makasagot ay tumalikod na lang si Aling Clara. “Sori na po, Nay, hindi ko na po uulitin. Hahabaan ko na lang po ang pasensya ko sa mga katulad ni Berto,” sabi ni Dodong. 

Magmula nga noon ay hindi na nila kinakitaan ng pagkainis ang anak, bagkus ay lagi itong may ngiti sa pagpasok sa paaralan hanggang sa pag-uwi. Hindi inaalintana ang anomang sakit na nararamdaman.

Isang araw, nagpaalam si Dodong sa kanyang mga magulang na sasama siya sa overnight camping ng mga boy scout. Pumayag sila sa gusto ng anak dahil malapit lang sa kanilang bayan ang lugar. Kinausap din nila ang gurong kasama ng mga bata kung maaaring isama si Dodong. Sumang-ayon naman ang guro.

“Mag-iingat ka roon,” paalaala ni Aling Clara.

“Mahal, kayang-kaya yan ng ating Dodong. Tandaan mo, anak, ang sinabi ni Super M…” sabi ni Mang Fernan. Magkasabay silang nagsalita ng anak “…Wala sa katawan ang pagiging superhero, nasa isip at puso ito!” 

Habang nasa campsite ay panay ang ngiti ni Dodong. Natutuwa siyang makasama at, kung kakayanin niya, makagawa ng mga inihandang gawain, pampisikal o pang-mental man.

“Orlando, Robin, magbantay muna kayo dito sa ating campsite dahil mangunguha lang kami ng mga kahoy na gagamiting pantukod at panggatong mamayang gabi. Babalik kami bago magdilim at saka tayo magtatayo ng mga tent.” utos ng Scout Master. Kasama ang lima pang batang scout ay nagtungo na nga sila sa kakahuyan.Naupo naman sa malalaking bato ang dalawang naiwang scout.

“Dodong, alam mo bang sinabi ni Tatay na mayroon daw mga kawatang gumagala sa ating bayan kaya nga kamuntikan na akong hindi pasamahin dito sa camping,” kwento ni Robin.

“Talaga ba? Sana ay walang mabiktima sa ating lugar. Kawawa naman ang makukuhaan ng mga kagamitan sa bahay. Nag-aalala tuloy ako sa nanay at tatay ko. Sana nandito si Super M, ” may kabang tugon ni Dodong.

Nasa ganito silang pag-uusap nang makarinig sila ng kaluskos ng mga tuyong dahon. Muntik na nilang tawagin ang mga pangalan kung hindi lang nila narinig ang mga malalakas na tawanan ng mga bagong dating. Hindi ito ang mga boses ng mga kasama. Tahimik na sumenyas si Dodong na magtago sila sa likod ng mga malalaking bato. May mga dalang sako ang tatlong kalalakihan.

“Ha! Ha! Ha! Tiyak na tiba-tiba na naman tayo sa susunod na bayan. Sa ngayon ay ibaon na lang muna natin dito sa tapat ng malalaking bato ang mga pera at alahas na nakuha natin saka tayo bumalik dito pagkatapos nating magnakaw bukas,” sabi ng pinakamalaking lalake.

“Sigurado ka ba diyan? Sabagay, masyadong mabigat yan kung dadalhin pa natin sa susunod na bayan,” sabad ng isa.

Mabilis na naghukay ang mga magnanakaw. Makalipas ang dalawampung minuto at sa pag-aakalang malalim na ang kanilang hukay ay isa-isa na nilang ibinaon ang mga pera at alahas. Sa likod naman ng malalaking bato, ay hindi maalis ang kaba sa dalawang batang scout. Mabuti na lang at abala sa paghuhukay ang mga kawatan. Hindi na nagawang magmasid sa kapaligiran. Tumutulo na ang pawis ng dalawa lalo na si Robin. Nang walang ano-ano’y bigla siyang napahatsing. Nagulat ang tatlo. 

“Mukhang may mga tao rito o baka engkanto, ” bulong ng isang lalake. “Bilisan na natin ito baka may makakita pa sa atin,” dugtong ng isa pa. 

Naisip ni Dodong na magtapon ng putol na sanga o maliit na bato sa malayo para maiba ang pokus ng atensyon ng mga kawatan. Agad-agad nang pinatag ng tatlo ang pinagbaonan ng mga nakaw na yaman saka mabilis na lumakad papalayo sa lugar na iyon.

Hindi pa agad tumayo sina Dodong. Muli silang nakarinig ng mga kaluskos. Pumikit pa sila sa pag-aakalang bumalik ang mga masasamang-loob. 

“Dodong, Robin, anong ginagawa ninyo diyan? ” tanong ng boses. Si Berto yun.

“Ha? Kayo na pala iyan? Robin, sina Berto na ang dumating. Dumilat ka na,” sabi ni Dodong.

Kinausap nila ang kasamang guro tungkol sa nakita at narinig nila. Dahil dito ay agad na silang bumaba upang bumalik sa paaralan. Nais nilang tawagan ang himpilan ng pulisya tungkol sa pangyayari. Tumawag na sa telepono ang guro nang makakuha ng tamang signal habang bumababa mula sa bundok. 

Nailigtas ang bayan ninan Dodong dahil nakapaghanda agad ang mga pulis bago pa man maisagawa ang balak ng mga kawatan. Muli ring naibalik sa kabilang bayan ang mga bagay na na kinuha nila. Tuwang-tuwa naman ang mga nag-aalalang magulang ng mga batang scout.  Sila ay ginawaran ng munting medalya bilang pagkilala sa kanilang ipinakitang katapangan sa oras ng panganib.

“Hanep naman ang Dodong namin. Katulad ka na rin ng paborito mong superhero. Hindi ka man nakipagsuntukan ay naipakita mo naman ang katapangan sa pagiging handa sa oras ng panganib,” paliwanag ni Mang Fernan.

“Salamat naman, anak, at hindi ka nila sinaktan,” nakangiting sabi ni Aling Clara.

“Tulad po ng sinabi ni Super M, wala po sa katawan ang pagiging superhero, kundi nasa isip at puso,” sabi ng batang “hero” ng kanilang bayan.

 –  kalahok para sa Kwentong Pambata para sa Saranggola Blog Awards 8 2016 


Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s